by: Brother Boy Jose,
Gospel Minister
Host: Katotohanan ay Kalayaan Radio Broadcast
Katotohanang di maitatanggi na noong panahon ng mga saserdoteng Levita, ang mga Judio ay obligadong magbigay ng ikapu ng kanilang ani o tinatangkilik sapagkat ito'y iniutos sa kanila ng Dios. "Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa Aking bahay, at subukin ninyo Ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi Ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan, sa langit, at ihuhulog Ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan" (Mal.3:10).
Ngunit mula ng namatay sa krus ang Panginoong Hesu-Kristo (dito nagmula ang Kaniyang pagiging Punong Saserdote pagkat inialay Niya ang Kaniyang sariling Dugo) sinoman sa mga apostol, maging si Apostol Pablo na itinalagang apostol sa mga Hentil ay hindi nangaral ng obligadong pagbibigay ng ikapu. Kundi bagkus sa Hebreo 7 ay isinasaad ang pagpapalit ng pagka saserdote mula sa mga Levita tungo sa ating Panginoong Hesu-Kristo. At malinaw na sinasabi na ang Kanyang pagkasaserdote ay ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec at hindi ayon kay Aaron. "Ngayon kung may kasakdalan nga sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mga Levita (sapagkat sa ilalim nito ay tinanggap ng bayan ang kauutusan), anong kailangan pa na magbangon ang ibang saserdote,ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec at hindi ibilang ayon sa pagkasaserdote ni Aaron?" (Heb.7:11).
Noong panahon ng pagkasaserdote ni Melquisedec ay walang umiiral na obligadong pag-iikapu. Bagaman si Abraham ay nagbigay ng ikapu, ito ay hindi isang pagsunod sa utos,..Hindi obligado (sapagkat wala namang utos na siya ay magbigay ng ikapu) kundi ito'y isang malaya o bukal sa pusong pagbibigay.
Sa kabilang dako naman, noong panahon ni Aaron bilang isang saserdoteng Levita ay umiiral ang obligadong pagbibigay ng ikapu sa mga Judio. Batay sa mga simple at malinaw na katotohanang ito, ating masasabi ng may matibay na pagtitiwala, na hindi kalooban ng Dios na ipangaral at ipatupad sa mga Kristiano ngayon ang obligadong pag-iikapu, sapagkat malalagay ang pagkasaserdote ng Panginoong Hesu-kristo ayon sa pagkasaserdote ni Aaron.
Sa 2 Corinto 9:7 ("Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay ng masaya."), si Apostol Pablo ay nangaral sa mga taga-Corinto na magbigay ayon sa pasya ng puso. Hindi sinabi na ayon sa dami ng ani o ayon sa laki ng suweldo o kinita ng isang tao. Gayunpaman, kung ipinasya sa puso ninuman na ibigay ang 10% ng kanyang inani o kinita ng may pag-ibig at katuwaan, ito ay magiging katanggap-tanggap sa Dios. Sa gayon, siya ay matutulad kay Abraham noong panahon ni Melquisedec. Ito ang kasakdalan ng doktrina patungkol sa pagbibigay para sa mga Kristiano ngayon, pagkat lubos na umaayon sa mga salita ng Dios.
Batay sa mga ito, malinaw at buong tiwala nating masasabi na sa ilalim ng pagkasaserdote ng Panginoong Hesu-kristo ay walang obligadong pagbibigay-ikapu o obligatory tithing.
Gayunpaman ay may paalala si Apostol Pablo na ang magtanim ng sagana ay aani din ng sagana at ang magtanim ng kaunti ay aani din ng kaunti, "Datapuwa't sinasabi ko, Ang naghahasik ng bahagya na ay magaani namang bahagya na, at ang naghahasik na sagana ay magaani namang sagana" (2 Cor. 9:6). Kailangan lamang na magkaroon ng tamang puso ang sinumang magbibigay sapagkat si Apostol Pablo din ang nangaral na kung walang pag-ibig ay walang pakinabang para sa akin. "At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa't wala akong pag-ibig, ay walang pakikinabangin sa akin" (1 Cor.13:3).
No comments:
Post a Comment